January 18, 2009

Araw ng Kapahingahang Minimithi

May dating panahon isang igos na puno sa lupa
hindi nagalaw ng masasamang nilalang
Kaniyang inilaan, mga bunga'y mabuti
Nagsisilbing daluyan ng sariwang tubig

May ibang puno na pag-aari ng masama
tiyak ito'y matutuyot hindi pakikinabangan
naging imbakan ng lason na tubig
hindi maaaring magbunga, iyon ay masusunog nga

Pagmasdan mo ang pagbabago sa igos na puno
umusbong ang mga sanga, nanariwa ang mga dahon,
malalaman ninyong malapit na ang tag-init
buksan ang mga puso, may hudyat kang dapat marinig

Nakita ka na NIya sa ilalim ng puno ng igos
Makakakita ka pa ng lalong dakilang mga bagay
sa iyong paniniwala at pananampalataya
Makisanib ka doon sa igos na punong pinagpala

Isang napakalakas na hangin ang umuga sa igos na puno
palatandaan nga na ibinigay noong una pa
gaya ng mga dahon at bunga na nahulog sa lupa
gayon din ang mga liwanag sa kalangitan ay mahuhulog

Habang nahuhulog ang bunga at mga dahon ng igos
manatiling matatag at nakakapit sa igos na puno
ang dahil ay magsilbing palatandaan sa nakaaalam
na katulad ng hindi pa nangyayari kailanman

Mga espiritung patay may matang umiirap, nangungutya
dahil ang puno ay para ngang tinakasan ng buhay
kung susuriin nagaganap na ang nasabi noong una pa
upang ang mga napili'y mawalan ng pag-asa

Mga dahon at mga sanga'y manatiling nakakapit
doo'y magtutumibay sa turo at aral, sa haligi at saligan
hindi pagpapatagalin ang mga araw na dadaan
sa mga ulap mga napili'y aagawin
upang salubungin Siyang Minimithi sa hangin.