June 03, 2009

Panalangin at Pasalamat sa Ama

Laging nariyan ang mapagkalinga Mong mga kamay
at mga matang laging sumusubaybay
kahit pa ilang ulit na akong sumuway
sa mga utos Mo, nakahanda Kang lagi nang pumatnubay

Hindi Mo kinalimutan ang gaya kong walang kabuluhan
na ang tanging ligaya ko sa panahong nakalimutan Kita
ay ang karangyaang nakukuha ko sa hirap,
sa pagpapagod at sa mga gabing hindi makapagkatulog
sa mga balisang hindi Ikaw ang dahil kundi
ang sariling hangad na mabuhay ng maalwan.
Sa mga iyan ko inuubos ang aking panahon
at magagawa, salapi at pag-iisip

Nguni't lagi Kang nakaalalay, laging nakagabay
at laging handang umunawa.

Nahihiya ako sa aking mga pinaggagagawa,
ang kalimutan ka habang ako'y nagpapasasa
sa ginhawang para bang dulot ng aking
pagbabanat ng buto para sarili at sa mga taong
walang hangad umunawa tungkol sa kaligtasang Iyong pangako.

Mabuti pang mamahinga na ngayon ang nalulumbay kong
katawan at kaluluwa, kaysa lagi na lang lumabag
sa Iyo at lumiban sa katungkulang akin din namang ipinangako
sa Iyong banal na harapan, nang hindi na maragdagan
ang mga maling pagnanasa na wala namang kinapupuntahan
kundi ang lalong mapariwara at mapalayo sa banal na piling Mo.

Huwag sanang lagi na lamang ang hiling ko
ay kapahingahan upang takasan ang salimuot at sari-saring
mabibigat na pakiramdam na lumulugmok
at dumudurog sa aking pagkatao at katinuan.

Tulungan mo ako Ama, walang silbi ang buhay
kung wala Ka sa aking tabi. Walang silbi ang araw
kung hindi ako magmumulat ng mga mata sa ganda
ng iyong pagsinta at mga kautusan. Walang kuwenta ang ulan
kung hindi ikaw ang sariwang hangin na nagpapakalma
sa magulo kong isipan at kumakabog kong dibdib.

Wala akong maidadahilan sa Iyo, Panginoon. Wala akong
maipagmamalaki sa Iyo. Ikaw ang tanging natitirang
katinuan sa aking nalilibang na pagkataong labas.
Tulungan mo akong matulungan ko ang aking sarili.

Salamat Ama sa panahong ito na ang aking ulirat,

kahit pa hirap, ay malayang nakababatid
ng Iyong kabutihan, pagkamunawain at pagkamaibigin.

Salamat sa oras na ito na Ikaw ang tanging laman
ng aking nababalisang isipan. Salamat sa mga balisang

di tulad ng karamdaman ng iba, at sa mga di ko na
namamalayang nagpapaalala ng aking mga pagkukulang.

Ikaw ay ang aking Dios.
Ikaw ang Pag-ibig na sa akin ay sumusuyo.
Salamat sa pagsuyo mo Ama. Salamat sa pag-aalala.
Ikaw ang aking tunay na Ilang-ilang na lagi ng bago sa
pamumukadkad at nagbibigay ng masarap na samiyo
sa damdamin kong namamatay.

Ikaw ang Dios na nag-iibig na ako'y mapanatag
at magkaroon ng buhay na walang hanggan.


Salamat sa Dios na ang ngalan ay Ama.

0 comments: